Assistant manager ng isang bangko, kinasuhan ng DOJ kaugnay sa Wirecard scandal
Sinampahan na ng kaso sa korte ng Department of Justice (DOJ) ang assistant manager ng Bank of the Philippines Islands (BPI) na idinawit sa Wirecard scandal.
Ayon sa DOJ, kinasuhan ng apat na counts ng falsification at dalawang counts ng paglabag sa General Banking Act si Joey Dela Cruz Arellano alyas Joey Cruz Arellano.
Sinabi ng DOJ na si Arellano na assistant manager sa BPI ay nag-isyu ng falsified bank certificates.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban kay dating Wirecard executive Jan Marsalek bunsod ng kawalan ng ebidensya.
Si Marsalek ay napaulat na pumasok sa Pilipinas noong June 2020 upang takasan ang mga otoridad.
Dismissed din ang reklamo laban kay dating Transportation Assistant Secretary Atty. Mark Kristopher G. Tolentino na pinangalanan na trustee ng Wirecard AG sa Pilipinas, Judith Singayan Pe, at iba pa dahil sa kakulangan din ng ebidensya.
Ang kaso ay nag-ugat sa $2 bilyong financial scandal na kinasasangkutan ng German payments firm na Wirecard AG noong 2020.
Sinasabing ang nawawalang $2.1 billion U.S. ng Wirecard ay inilagay sa BPI at Banco De Oro.
Pero nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas kalaunan na hindi pumasok sa financial system ng bansa ang nasabing salapi.
Moira Encina