Attack rate ng UK variant ng COVID-19, pagbabasehan sa quarantine protocol reclassification
Isasama na sa magiging batayan sa pagdetermina ng ipatutupad na quarantine protocol classification ang attack rate ng United Kingdom (UK) variant ng COVID-19 na nakapasok na sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque bagamat maliit na bilang pa lamang ang naitatalang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa, hindi maisasantabi ang epekto nito sa kaso ng mga nagpopositibo sa corona virus dahil sinasabing 50 hanggang 70 porsiyento ang bilis nito na kumalat at makahawa.
Ayon kay Roque, hintayin na lamang ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung magkakaroon ng malaking pagbabago sa community quarantine protocol na ipatutupad ng pamahalaan sa pagpasok ng buwan ng Pebrero.
Inihayag ni Roque na pinag-aaralang mabuti ng Inter-Agency Task Force (IATF) katulong ang mga Local Government Units (LGUs) ang sitwasyon ng health care utilization at COVID-19 attack rate sa ibat-ibang lugar sa bansa .
Ito ay upang makapagrekomenda ng nararapat na quarantine protocol sa Pangulo para patuloy na makontrol ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Niliwanag ni Roque na kahit nakapasok na sa bansa ang UK variant ng COVID-19 ay maaari parin itong mapigilan sa pagkalat basta’t sundin lamang nang buong higpit ang ipinatutupad na standard health protocol na mask, hugas, iwas.
Vic Somintac