Australian Open, tuloy pa rin sa kabila ng COVID-19 quarantines
MELBOURNE, Australia (AFP) – Iginiit ni Australian Open chief Craig Tiley, na matutuloy pa rin sa susunod na linggo ang naturang Grand Slam.
Ito’y sa kabila na kabuuang 72 mga manlalaro ang mako-confine sa kani-kanilang hotel rooms sa Melbourne sa loob ng 14 na araw, at bawal sa kanila ang mag-practice matapos magkaroon ng contact sa COVID-19 infected individuals sa kanilang byahe patungong Australia.
Nagulo ang torneo nitong Sabado, matapos magpositibo sa COVID-19 ang tatlong katao mula sa dalawa sa 17 charter flights na may lulang mga manlalaro kasama ng kanilang mga entourage, patungong Melbourne at Adelaide.
Ang ika-apat na indibidwal na miembro ng isang broadcast team sa isa sa mga flight galing Los Angeles, ay nagpositibo kahapon, Linggo.
Walang manlalaro sa mga nagpositibo, bagamat ang isa na si Sylvain Bruneau, ay coach ng Canadian 2019 US Open winner na si Bianca Andreescu, habang ang isa pa ay isa ring coach.
Lahat ng kasama sa flight ay ikinu-konsiderang close contacts at inatasang huwag lumabas sa kanilang hotel room sa loob ng 14-day quarantine period.
Kahapon, Linggo ay 25 pang mga manlalaro ang isinailalim sa quarantine matapos na isang pasahero galing sa kanilang flight mula Doha patungong Melbourne, ang nagpositibo sa COVID-19 pero nagnegatibo muna bago sumakay ng eroplano.
Nangangahulugan na ang 72 quarantined players ay hindi na papayagang mag-training sa loob ng limang oras bawat araw gaya nang unang napagkasunduan sa build-up para sa opening Grand Slam ngayong taon, na magsisimula sa February 8.
Ayon kay Tiley, alam nila na may panganib dulot ng pandemya subalit matutuloy pa rin ang Australian Open, at patuloy din nilang gagawin ang lahat ng kanilang makakaya upang mapangalagaan ang mga manlalaro.
Itinanggi naman ng organisers ang mga napabalita tungkol sa isang positive case, sa isa sa dalawang flights patungong Adelaide, na kinalululanan ng ilang malalaking pangalan sa Tennis.
Bagamat karamihan sa mga manlalaro ay sa Melbourne lumapag ang sinasakyang eroplano, ang superstar players gaya nina Novak Djokovic, Rafael Nadal, Serena Williams at Naomi Osaka, ay lumapag sa Adelaide na nasa timog ng Australia.
May ilan namang manlalaro na idinaan sa social media ang reklamo tungkol sa kawalan nila ang pagkakataong makapag-training, sa pagsasabing hindi sila nasabihan tungkol sa hard lockdown, kahit isang tao lang ang magpositibo sa sakit.
May ilang manlalaro naman na lumabag na sa strict lockdown rules sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanilang hotel room, gaya ng isa na tinangkang makipag-usap sa kaniyang training mate sa hallway ng hotel.
Bunsod nito ay nagbabala si Victoria state COVID-19 quarantine commissioner Emma Cassar, na maaaring pagmultahin ang mga ito ng hanggang 20,000 Australian dollars o 15,300 US dollars, at ang paulit-ulit na lalabag ay ililipat sa ibang hotel at may magbabantay na pulis sa labas ng pinto ng kanilang hotel room.
Sinabi ni Tiley, na ginagawa niya ang lahat upang masiguro na ang mga apektadong manlalaro ay magkakaroon ng exercise equipment sa kanilang kwarto.
Ang Australian Open ay naapektuhan na ng pag-atras ni Roger Federer dahil sa injury, habang ang world number 16 naman na si Madison Keys at ang three-time major winner na si Andy Murray ay kapwa nagpositibo sa COVID-19 bago ang kanilang departure, kayat hindi na sumakay ng eroplano ang mga ito.
© Agence France-Presse