Australian political drama na ‘Pine Gap’ inalis na ng Netflix Philippines
Inalis na ng Netflix ang 2 episodes ng isang Australian political drama, matapos magreklamo ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa paglalarawan nito sa ilegal na pag-aangkin ng China sa South China Sea, na bahagi rito ang West Philippine Sea.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA), na nagpasya ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), na i-pull out ang episodes ng “Pine Gap” sa kanilang desisyon na may petsang September 28.
Batay sa pahayag ng DFA, matapos ang masusing pagsusuri ay ipinasya ng Board na ilang episodes ng “Pine Gap” ang hindi karapat-dapat mapanood ng publiko.
Kasunod ng desisyon, inatasan ng MTRCB ang Netflix na agad i-pull out ang sinasabing mga episode.
Ang pasya ay ginawa nang magreklamo ang DFA, matapos ipakita sa Australian series ang mapa ng inaangking nine-dash line ng China sa South China Sea na lumalabag sa kasarinlan ng Pilipinas.
Ang naturang pag-aangkin ay pinawalang-bisa na ng July 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas, ngunit patuloy na winawalang bahala ng China.
Kaninang umaga, ang dalawang episodes ng “Pine Gap” ay hindi na available sa Pilipinas.