Austria, unang bansa sa EU na ginawang mandatory ang Covid vaccination
Inaprubahan na ng parliyamento ng Austria na gawing mandatory para sa adults ang Covid-19 vaccinations simula sa susunod na buwan.
Dahil dito, ang Austria ang magiging unang bansa sa European Union na magpapatupad nito, sa kabila ng mga protestang tumututol sa panuntunan.
Libu-libo ang nagsagawa ng demonstrasyon na tumututol sa mandatory vaccination, sa regular na weekend rallies mula nang i-anunsiyo ang panuntunan noong Nobyembre ng nagdaang taon, sa pagsisikap na mapataas ang vaccination rate sa bansa.
Lahat ng partido maliban sa far-right, ay sumuporta sa panuntunan kung saan ang bagong pasang lehislasyon ay nakakuha ng 137 boto pabor dito at 33 ang tutol mula sa 183 bumubuo sa parliyamento.
Ayon kay Doris Bures, 2nd president ng National Council . . . “It is adopted with the (necessary) majority.”
Sa bagong batas na magkakabisa sa Pebrero a-4, ang mga hindi magpapabakuna ay pagmumultahin ng hanggang 3, 600 euros o $4,100 simula sa kalagitnaan ng Marso matapos ang initial “introductory phase.”
Noong una ay nais ng gobyerno na ipatupad ito simula sa edad 14 pataas , nguni’t ang batas sa ngayon ay aplikable na lamang sa adults, maliban sa mga buntis at mayroong medical exemption.
Noong miyerkoles, inanunsiyo ng gobyerno na magtatatag ito ng “security zones” sa paligid ng health facilities at vaccination centers, upang itaboy ang magsasagawa ng panggugulo gaya ng demonstrasyon.
Sa ngayon ang Austria ay mayroong halos 14,000 Covid-related deaths at 1.5 million cases sa populayon na nasa siyam na milyon.
Nananatili pa ring hindi pangkaraniwan ang compulsory vaccinations sa buong mundo, bagama’t na-introduce na ito sa Ecuador, Tajikistan, Turkmenistan, Indonesia at Micronesia.