Author na si JK Rowling nakatanggap ng online threat
Inihayag ng Scottish police na iniimbestigahan na nila ang natanggap na “online threat” ng Harry Potter author na si JK Rowling, bilang tugon sa kaniyang tweet na sumusuporta kay Salman Rushdie kasunod ng insidente ng pananaksak dito.
Noong Biyernes ay nag-tweet ang 57-anyos na manunulat kung saan nakasaad, “feeling very sick right now” pagkatapos mapabalita ang pag-atake kay Rushdie sa estado ng New York.
Bilang tugon, isang user ang nag-tweet, “Don’t worry you are next”.
Ibinahagi ni Rowling ang screenshot ng nasabing reply, sabay tanong sa Twitter moderators, “any chance of some support? These are your guidelines, right? Violence: You may not threaten violence against an individual or a group of people.”
Ang naturang tweet ng “threat” ay inalis na kahapon, Linggo.
Samantala, nag-tweet din si Rowling na naabisuhan na ang pulisya ukol dito.
Ang kapareho ring Twitter account, na pinaniniwalaang naka-base sa Pakistan, ay nagpost din ng mga mensahe na pumupuri sa attacker ni Rushdie.
Ang 24-anyos na si Hadi Matar, ay ipinatawag ng korte sa estado ng New York noong Sabado, kung saan inilarawan ng mga taga-usig kung paano sinaksak si Rushdie ng halos 10 beses, na ayon sa kanilang paglalarawan ay isang binalak at pinaghandaang pag-atake.
Sinabi ni Andrew Wylie, agent ni Rushdie, na ang manunulat ay naka-ventilator at nanganganib na mawalan ng isang mata, subali’t sa isang update noong Sabado ay sinabi nito na nagsimula nang magsalitang muli ni Rushdie, na nagpapahiwatig nang pagbuti ng lagay nito.
@Agence France-Presse