Babae sa Spain, maaaring maging pinakamatandang taong nabubuhay ayon sa Guinness
Sinabi ng consultant ng Guinness World Records, na ang isang Spanish great-grandmother (lola sa tuhod) na ipinanganak sa United States, ang malamang na maging pinakamatandang taong nabubuhay sa mundo sa edad na 115.
Ayon sa senior consultant para sa gerontology na si Robert D. Young, pinaniniwalaang mapupunta na kay Maria Branyas Morera ang titulo kasunod ng pagkamatay noong Martes ng French nun na si Lucile Randon na ang edad ay 118.
Sinabi pa ni Young na siya ring direktor ng supercentenarian research database ng Gerontology Research Group, na kailangan pa ng Guinness World Records ang opisyal na desisyon pagkatapos magsagawa ng mga pagsusuri sa mga dokumento at pakikipanayam sa pamilya ni Branyas Morera.
Aniya, “We know what is likely, but it’s not confirmed at this time.”
Subali’t si Branyas Morera, na nagawang malampasan ang 1918 flu, dalawang world wars at civil war ng Spain, ay hindi naman available para makapanayam.
Ayon sa Santa Maria del Tura nursing home sa bayan ng Olot sa northeastern Spain, kung saan naninarahan si Branyas sa nakalipas na dalawang dekada, magsasagawa sila ng isang “maliit na selebrasyon” sa mga susunod na araw upang markahan ang anila’y “very special event.”
Sa pahayag ng nursing home, “She is in good health and remains surprised and grateful for the interest that has been generated.’
Para naman sa 78-anyos na si Rosa Moret, pinakabatang anak na babae ni Branya, may kaugnayan sa “genetics” ang mahabang buhay ng kanilang ina.
Ayon kay Moret, “She has never gone to the hospital, she has never broken any bones, she is fine, she has no pain.”
Si Branyas Morera ay isinilang sa San Francisco noong March 4, 1907 pagkatapos lumipat ng kaniyang pamilya sa Estados Unidos mula sa Mexico.
Ang buong pamilya ay nagpasyang bumalik sa kanilang katutubong Espanya noong 1915, habang ang World War I ay nagpapatuloy, na sanhi upang maging kumplikado ang kanilang paglalakbay sa Atlantiko lulan ng barko.
Ang kanilang paglalakbay ay minarkahan din ng trahedya, nang ang kaniyang ama ay mamatay dahil sa tuberculosis sa pagtatapos ng biyahe, at ang kabaong nito ay itinapon sa dagat.
Si Branyas Morera at ang kaniyang ina ay nanirahan sa Barcelona, at noong 1931 o limang taon bago nagsimula ang 1936-1939 civil war sa Spain ay nag-asawa siya ng isang doktor.
Magkasama silang namuhay na mag-asawa sa loob ng apat na dekada, hanggang sa pumanaw ang kaniyang mister sa edad na 72. Mayroon siyang tatlong anak, kasama ang isa na namatay na, 11 apo at 11 apo sa tuhod.
Ilang linggo bago sumapit ang ika-113 niyang kaarawan, si Branyas Morera ay dinapuan ng Covid-19 at na-confine sa kaniyang silid sa kaniyang care home sa Olot pero lubusan ding gumaling.
Noong 2019, sinabi niya sa isang Barcelona-based daily newspaper na La Vanguardia, “I haven’t done anything extraordinary, the only thing I did was live.”
© Agence France-Presse