Babaeng nagrerecruit ng mga terorista para sumali sa bakbakan sa Marawi gamit ang social media naaresto ng NBI.
Arestado ng mga tauhan ng NBI ang isang babaeng hinihinalang nagre-recruit ng mga dayuhang terorista gamit ang internet at social media para sumali sa maute group sa bakbakan sa Marawi City.
Natimbog si Karen Aizha hamidon, trentay sais anyos, sa tahanan nito sa taguig city noong October 11 matapos ang ikinasang search operation ng NBI-counter terrorism division.
Nakumpiska rin ng NBI mula kay Hamidon ang ilang cellphones, laptops, tablets at iba pang electronic devices na ginagamit nito sa kanyang illegal online activities.
Matapos ang forensic examination sa kanyang cellphone, nadiskubre ang karagdagang 296 post ni hamidon sa messaging application na telegram na nanghihikayat sa rebelyon sa marawi city.
Si Hamidon ay kinasuhan na ng NBI sa DOJ ng labing apat na counts ng inciting to rebellion na paglabag sa article 138 ng revised penal code in relation to section 6 ng cybercrime prevention act of 2012.
Ipaghaharap pa siya ng karagdagdang kasong rebelyon ng nbi kaugnay sa kanyang 296 social media post na nananawagan sa mga dayuhan at lokal na muslim para sumali sa pakikipagbakbakan laban sa gobyerno sa Marawi City.
Person of interest si Hamidon ng mga otoridad matapos makapagrecruit siya noong 2016 ng mga indian nationals para pumunta sa pilipinas at sumali sa mga radical islamic extremist group sa Mindanao.
Asawa rin si Hamidon ng lider ng ansar Khalifa Philippines na si Mohammad Jaafar Maguid na nasa likod ng davao city night market bombing noong september 2016.
Dati rin siyang asawa ng singaporean na si muhammad shamin mohammed sidek na nakulong dahil sa koneksyon sa ISIS.
Inanunsyo ni Justice Secretary Vitaliano Aaguirre ang pagkakaaresto ni Hamidon isang araw matapos ideklara ni Pangulong Duterte ang liberasyon ng Marawi City mula sa Maute terrorist.
Ulat ni Moira Encina