Babala ng bagyo sa alinmang bahagi ng bansa, inalis na ng PAGASA
Inalis na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 habang kumikilos sa West Philippine Sea ang bagyong Odette.
Kaninang alas-10:00 ng umaga, ang mata ng bagyo ay nasa 430 km northwest ng Pag-Asa island, Kalayaan, Palawan, labas ng Philippine Area of Responsibility.
Napanatili ng bagyo ang lakas nito at taglay ang hanging aabot sa 195 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot ng hanggang 240 km/h.
Sa ngayon ayon sa weather bureau, wala nang direktang epekto ang bagyo sa alinmang bahagi ng bansa.
Ang mahihinang pag-ulan na nararanasan sa ilang bahagi ng Luzon ay dulot ng shear line.
Gayunman, magiging maalon pa rin ang mga seaboards ng Kalayaan islands at maaaring umabot ng hanggang 5 meters ang alon kaya pinag-iingat ang mga maglalayag.
Nakataas ang gale warning sa mga seaboard ng Northern Luzon, Eastern at Western seaboards ng Central at Southern Luzon dahil sa impluwensiya ng bagyong Odette at epekto ng Amihan.