Back – to- back gold kay Obiena at Yulo sa SEAG
Naghari pa rin sa kani-kaniyang sports event ang Pinoy athletes na sina Ernest John “EJ” Obiena at Carlos Yulo sa isinasagawang 32nd Southeast Asian Games (SEAG) sa Cambodia.
Nasungkit ni EJ ang kaniyang 3rd gold medal sa men’s pole vault na isinagawa sa Morodok Techno Stadium sa Cambodia sa kabila ng masamang panahon.
Naitala rin ng Pinoy vaulter ang bagong SEA Games record nito na 5.65 meters clearance.
Pansamantalang itinigil ang laban dahil sa ulan ngunit hindi ito nakaapekto kay Obiena na nanatiling focus para makamit ang Grand Slam feat.
Samantala, nasungkit din ni Carlos Edriel Yulo ang isang gold at silver medal sa ika-apat na araw ng kompetisyon sa SEA Games.
Na-domina ng Olympian gymnast ang all-individual event sa iskor na 84 puntos.
Pumuntos ng 15 ang two-time world champion sa vault, kung saan siya rin ang nagwagi noong 2021 world championships, at 14.950 naman sa parallel bars.
Pumangalawa naman ang Vietnamese na si Thanh Tung Le na may 80.45, at pumangatlo si Phuong Thanh Dinh na may 78.15.
Naging major contributor din si Yulo sa silver medal finish ng Philippine gymnastics team sa team event.
Ang quintet nina Yulo, Ivan Cruz, Jan Timbang, Justine de Leon at Juancho Besana ay nagtala ng 305.25 points.
Muling sasabak si Yulo ngayong araw, May 9, sa final round ng individual event – vault and parallel bars.