Bagong Alert level sa COVID-19 cases sa bansa i-aanunsyo ng Malakanyang bukas March 15
Hindi matutuloy ang regular Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginagawa tuwing Lunes ng gabi sa halip isasagawa ito bukas March 15 araw ng Martes kasabay ng announcement ng Malakanyang sa bagong alert level na ipapatupad sa ibat-ibang panig ng bansa kaugnay ng kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na inaasahan na mayroong mga lugar na madadagdag sa Alert level 1 ganundin malalaman kung may mga lugar narin sa bansa na isasailalim na sa Alert level 0.
Bukas magpapaso ang Alert level 1 sa National Capital Region at 39 na iba pang lugar sa bansa batay sa resolusyon na inilabas ng Inter Agency Task Force o IATF.
Maliban sa isyu ng COVID- 19 inaasahan din na magrereport ang cabinet economic cluster kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa epekto sa ekonomiya ng bansa ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng pag-alagwa ng presyo ng krudo sa world market dahil sa kaguluhan sa Ukraine.
Vic Somintac