Bagong batas para sa internet voting, hindi kailangan ayon sa COMELEC
Hindi kailangan ang bagong batas para sa itinutulak ng Commission on Elections (COMELEC) na internet voting para sa Overseas Absentee Voting (OAV).
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na bagama’t itinakda sa ilalim ng Republic Act 10590 o batas para sa sistema ng Overseas Absentee Voting ang voting by in-person at by mail, binibigyan aniya ng kapangyarihan ng batas ang komisyon na humanap ng ibang paraan para isakatuparan ang OAV.
“Ang ibinigay lang po na authority sa atin sa 10590 at maging sa Overseas Absentee Voting ay yung in-person at by mail, pero may nakalagay po dung provision at ang nakalagay, ang sabi but the COMELEC can look for other modes, pwede daw kaming tumingin ng iba pang modes at gawin po yun at irekomenda rin sa ating Joint Congressional Oversight Committee and report dun sa gagawin naming,” paliwanag ni Chairman Garcia.
Tinutukoy ni Garcia ang Section 28 ng RA 10590 o ukol sa “Authority to Explore Other Modes or Systems Using Automated Election System.
Isinasaad sa probisyon ng batas na “Notwithstanding current procedures and systems herein provided, for the proper implementation of this Act and in view of the peculiarities attendant to the overseas voting process, the Commission may explore other more efficient, reliable and secure modes or systems, ensuring the secrecy and sanctity of the entire process, whether paper-based, electronic-based or internet-based technology or such other latest technology available, for onsite and remote registration and elections and submit reports and/or recommendations to the Joint Congressional Oversight Committee.”
Sinabi ni Garcia na gumawa siya ng legal opinion ukol dito na siyang iprinisinta at kinatigan ng mga kasama sa COMELEC En Banc.
“Bago dumating ang ating liderato dito sa COMELEC, nun po siguro ay nagpapatumpik-tumpik ang COMELEC, nagda-dalawang isip kung pwede ngang mag-proceed sa internet voting ganung baka nga naman kakailanganin pa ng isang batas para payagan ang internet voting,” paliwanag pa ni Garcia.
“Ang inyo pong lingkod ay ng legal opinion sa ating En Banc, sa ating mga commissioners at sila naman po ay nagulat at nagustuhan yung legal opinion kung kaya ito ay in-adopt nila, sapagkat yung ating paniniwala base sa ating pag-a-aral, hindi na kakailanganin po ng batas para po magpunta tayo sa other modes ng pagboto, which is in this case ang pino-propose natin internet voting sapagkat authorized naman ang COMELEC na magpunta sa other mode, basta mag-report lamang sa Congressional Oversight Committee at mag-recommend,” dagdag na pahayag pa ng poll chief.
Ang rekomendasyon aniya ng COMELEC ay masimulan na ang pag-a-aral ukol dito para sa kaukulang pondo at makahanap ng pinaka-mainam na sistema para maisakatuparan ang plano sa 2025 mid-term elections.
Hindi naman daw nangangahulugan na aalisin na ang in-person at voting by mail.
“Ang aming ginawa nung nakaraang linggo ay parang nagkaroon kami ng policy declaration o policy direction para magsimula na ang pag-a-aral, magsimula na yung paghahanap o mahahanap na maayos at secured na programa para dyan at the same time mai-propose na rin po natin yung katampatang budget para sa tinatawag nating internet o electronic voting na tinatawag, upang kahit paano makapagsimula na tayo,” paliwanag pa ni Garcia.
Aminado si Garcia na pangunahing hamon sa internet voting ang secrecy at security ng boto at ito naman ang pinagtutuunan ng COMELEC.
Weng dela Fuente