Bagong SC Associate Justice Ramon Paul Hernando, aminadong emosyonal at kinakabahan sa pagkakahirang sa kaniya

Dumalo sa kanyang kauna-unahang flag raising ceremony bilang miyembro ng Korte Suprema si bagong SC Associate Justice Ramon Paul Hernando.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Hernando na masaya siya dahil nagbalik siya sa Supreme Court kung saan nagsimula ang kanyang karera bilang abogado.

Ikinuwento ni Hernando na hindi siya bago sa Korte Suprema dahil nag-umpisa ang kanyang legal career noong 1991 bilang staff nina dating SC Justice Edgardo Paras at dating SC Justice Florenz Regalado.

Pagkatapos nito ay napunta naman siya sa DOJ bilang state prosecutor ng limang taon bago naging RTC Judge sa San Pablo City, Laguna at Quezon City at Court of Appeals Justice.

Aminado si Hernando na emosyonal siya sa pagkakatalaga sa kanya sa Korte Suprema dahil hindi niya akalain na mararating niya ang naabot ng kanyang mga hinahangaan.

Kaugnay nito ay kinakabahan rin anya siya ng matindi dahil sa kailangan niyang makatugon sa malaking inaasahan sa kanya ng mga kapwa niya mahistrado at ng taumbayan.

Sa edad na 52 taong gulang, mananatili si Hernando sa Korte Suprema ng 18 taon.

Umaasa naman si Hernando na ang 18 taon niya sa Supreme Court ang magiging pinaka produktibo at katangi-tangi sa kanyang karera.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *