Bagong disenyo ng P1-K banknote na inilabas ng BSP kinuwestyon ni Senador Nancy Binay
Kung si Senador Nancy Binay ang tatanungin kailangan munang paaprubahan sa Kongreso at National Historical Commission of the Philippines ang disenyo ng perang papel at barya bago ito ipakalat sa merkado.
Nadismaya si Binay dahil tila binura ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang importansya ng mga bayani nang palitan nito ng Philippine eagle ang larawan ng world war 2 heroes sa one thousand peso bill.
Kwestyon ng Senador bakit tila binubura na sa kasaysayan ang mga bayaning lumaban sa mga nanakop sa bansa.
Nasa lumang one thousand peso bill ang larawan ng mga bayaning lumaban sa pananakop ng mga hapon na sina José Abad Santos, Josefa Llanes Escoda at General Vicente Lim.
Sinabi ni Binay , dumadaan sa approval ng kongreso ang pagpapalit ng pangalan ng mga kalsada at tulay kaya hindi dapat exempted ang pagpapalit ng disenyo ng pera.
Tinawag ito ng Senador na retail revisionism at hero delegitimation unti unting pagbura sa alaala at sa kasaysayan ng mga bayani.
Nauna nang sinabi ng BSP na tutuon na sa Flora at Fauna, halaman at hayop ang magiging disenyo ng pera at gagawin na ring plastic synthetic material mula sa ginagamit ngayon na bulak at abaka.
Meanne Corvera