Bagong Hall of Justice ng San Juan City, pinasinayaan ng SC
Pinangunahan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang pagpapasinaya sa bago at modernong Hall of Justice ng Lungsod ng San Juan.
Ang bulwagang pangkatarungan ay may apat na palapag.
Matatagpuan dito ang mga tanggapan ng ilang branches ng metropolitan at regional trial courts, Public Attorneys’ Office, Office of the City Prosecutor, at Philippine Mediation Center.
Magsisilbi itong one- stop shop ng legal service sa lungsod.
Ang gugol sa pagpapatayo ng hall of justice ay galing sa pondo ng Supreme Court at ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinimulan ang pagpapatayo nito noong 2015 at natapos noong 2022.
Tiwala ang Supreme Court na sa pamamagitan ng mga magaganda at maayos na justice hall ay mapapabuti ang serbisyo at paggawad ng katurungan sa mamamayan.
Sa kaniyang talumpati, hinimok ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang mga hukom at court employees na panatilihin ang integridad at dedikasyon ng mga ito sa trabaho.
Aniya, nakasalalay pa rin sa uri ng serbisyo ng mga hukom at empleyado ang kadakilaan ng korte at hindi sa mga matatayog na gusali nito.
Hinikayat din ng punong mahistrado ang mga kawani ng mga korte na panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng justice hall at ituring ito na kanilang tahanan.
Moira Encina