Bagong ‘Indiana Jones’ nanguna sa N.America box office
Lumitaw sa pagtaya ng industriya nitong Linggo, na ang bago at malamang ay pinakahuli nang installment ng sikat na “Indiana Jones” franchise ang nanguna sa kompetisyon sa North American box office, pero batay sa mga analyst, mahina ang debut ng pelikula na isang fan favorite.
Ayon sa Exhibitor Relations, ang “Indiana Jones and the Dial of Destiny,” na pinagbibidahan ni Harrison Ford sa papel ng isang archeologist na una niyang pinasikat mahigit 40 taon na ang nakalilipas, ay kumita ng nasa $60 million.
Sinipa nito ang animated sequel na “Spider-Man: Across the Spider-Verse” mula sa top spot, pero sinabi ng analysts na iyon ay mahinang simula para sa ika-limang Indiana Jones movie.
Ayon kay David Gross ng Franchise Entertainment Reserach, “Audience ratings are good, while critics reviews are lukewarm.”
Binanggit ni Gross, na ang Disney film ay pinaniniwalaang ginugulan ng tumataginting na $295 million, pero malamang aniya na makabawi ito sa pamamagitan ng kita sa pagpapalabas sa ibang bansa, kung saan umabot na sa $70 million ang opening sales nito.
Ang “Across the Spider-Verse,” ang ikalawang installment sa inventive animated ng Sony tungkol sa web-slinging superhero, ay kumita ng $11.5 million para makuha ang ikalawang puwesto. Ang domestic total nito ay umabot na sa halos $340 million.
Ang animated immigrant fable naman ng Pixar na “Elemental,” na nahulog sa pangatlong puwesto mula sa ikalawa ay kumita ng $11.3 million.
Nasa pang-apat na puwesto ang isa pang handog ng Sony, ang “No Hard Feelings,” na isang comedy at pinagbibidahan ng Oscar winner na si Jennifer Lawrence matapos kumita ng $7.5 million.
Isa sa maraming spin-offs at sequels na nag-domina sa mga sinehan ay ang “Transformers: Rise of the Beasts,” na kumita ng $7 million at pasok sa ika-limang puwesto.
Nasa ika-anim at ika-sampung puwesto naman ang mga sumusunod na pelikula:
“Ruby Gillman: Teenage Kraken” (No. 6) – $5.2 million
“The Little Mermaid” (No. 7) – $5.15 million
“The Flash” (No. 8) – $5 million
“Asteroid City” (No.9) – $3.8 million
“Guardians of the Galaxy Vol. 3” (No. 10) – $1.8 million