Isa sa mga bagong military helicopter ng PAF, bumagsak; 3 piloto at 3 crew, patay
Kinumpirma ng Philippine Air Force (PAF) na bumagsak ang isa nilang military helicopter habang nagsasagawa ng night-flying exercise sa Capas, Tarlac kagabi.
Ayon kay PAF spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano, lahat ng 3 piloto at 3 crew na sakay nito ay namatay lahat.
Bumagsak ang helicopter sa bisinidad ng Crow Valley malapit Clark Air Base, ilang milya mula naman sa Colonel Ernesto Rabina Air Base sa Capas, Tarlac.
Alas-8:00 kagabi nang lumipad mula sa Clark Air Base ang S-70i Black Hawk Utility helicopter ng 205th Tactical Helicopter Wing pero inabot ng alas-10:00 ng gabi nang wala pa rin silang makontak sa mga crew nito.
Nagpatuloy ngayong araw ang search and retrieval operations sa bumagsak na air craft.
Ayon kay Mariano, ilalabas nila ang pagkakakilanlan ng mga namatay kapag naiparating sa kani-kanilang pamilya ang pangyayari.
Habang si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ay nagpaabot na ng pakikiramay sa pamilya ng mga namatay na piloto at crew na sakay ng helicopter.
Dahil sa insidente, grounded na ang lahat ng bagong biniling S-70i Black Hawk combat utility helicopters ng PAF at nakatakdang magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol dito.
Ayon kay Mariano, ang nasabing helicopter ay isa sa anim na units na idineliver noon lamang Nobyembre ng nakalipas na taon at lima pang karagdagang helicopters ang idineliver ngayong buwan.
Ang pagsasagawa ng night-flight proficiency trainings ay bahagi aniya ng capability training ng mga piloto at airmen bago ang kanilang full deployment bilang front-line units ng kanilang misyon.