Bagong monitoring system sa cargo shipment, makatutulong sa paglaban sa smuggling –PPA
Posibleng maipatupad na sa una o ikalawang bahagi ng taon ang bagong Trusted Operator Program- Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) ng Philippine Ports Authority (PPA).
Sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago na ang paggamit ng bagong sistema ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na digitalization ng government processes.
Makakatulong din aniya ang TOP-CRMS sa pagpigil sa matagal nang problema ng smuggling.
Ito ay bagamat hindi mandato ng PPA at hindi pangunahing intensyon ng sistema ang pagsawata sa smuggling.
Paliwanag ni Santiago, ang mga makukuhang data o impormasyon mula sa nasabing sistema ay magagamit ng ibang ahensya ng gobyerno sa anti-smuggling efforts.
Ipinunto pa ni Santiago na sa pamamagitan din TOP-CRMS ay masasawata ang cargo diversion na pangkaraniwang ginagamit na paraan ng smugglers.
Aniya dahil may real-time tracking technology ang bagong sistema ay mababawasan ang pekeng consignees at matutunton ang mismong address na pinagdalhan ng kargamento.
Kumpiyansa ang pamunuan ng PPA na mareresolba rin ng bagong port technology ang mga dati pang problema sa pantalan gaya ng mataas na singil sa container deposits, storage problems at port congestion.
Ito ay sa harap na rin ng pagtutol ng ilang business groups at truckers sa implementasyon ng bagong tracking system.
Moira Encina