Bagong Oscar para sa best casting idaragdag na sa Academy Awards
Inanunsiyo ng organizers na simula sa 2026, ay idaragdag na ang bagong Oscar para sa best casting.
Ito ang magiging unang bagong competitive golden statuette na madaragdag sa pinakamahalagang award show sa Hollywodd, sa mahigit dalawang dekada.
Sinabi ni academy CEO Bill Kramer at president Janet Yang, “Casting directors play an essential role in filmmaking, and as the Academy evolves, we are proud to add casting to the disciplines that we recognize and celebrate.”
Ang Casting directors ay kabilang sa unang pangunahing tauhan na isinasama sa bagong film projects.
Mayroon silang importanteng papel sa paghubog sa mga pelikulang ipinalalabas sa “big screen,” sa pamamagitan ng pagkuha sa A-list stars at performers para sa minor roles.
Ilang taon nang ikinakampanya na maragdag ang nasabing annual category.
Nagla-lobby din ang stunt performers para sa sarili nilang Oscar, subalit hindi pa sila nagtatagumpay hanggang ngayon.
Hindi naman binanggit sa pahayag mula sa Academy of Motion Picture Arts and Sciences, kung ang casting award ay ibibigay sa mismong live Oscars show.
Sa kasalukuyan, lahat ng 23 existing categories ay ipiniprisinta ng live sa panahon ng gala.
Ang pagsisikap na pabilisin ang seremonya sa pamamagitan ng pag-pre-record ng ilang partikular na kategorya na may hindi gaanong sikat na mga nominado noong 2022, ay sinalubong ng mga batikos kaya’t ibinasura na nang sumunod na taon.
Ang huling bagong Oscar na nilikha ay ang best animated film noong 2001.