Bagong quarantine facility, pinasinayaan sa bayan ng Mariveles
Pinasinayaan na ang bagong Mariveles Quarantine Facility, sa Barangay Alasasin sa bayan ng Mariveles sa Bataan.
Ang ribbon cutting ay pinangunahan nina Mariveles Mayor Atty. Jocelyn Castañeda, Bataan 2nd District Representative Joel Garcia, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sinabi ni Castañeda, na malaki ang maitutulong ng bagong pasilidad para sa mga magpopositibo sa COVID-19, at hindi na rin kailangan na manghiram pa ng mga paaralan para gawing quarantine facility tulad noong una.
Bukas din ang nasabing pasilidad maging sa mga taga ibang bayan ng Bataan.
Ayon naman kay Magalong, hindi tumitigil ang pamahalaan partikular na ang National IATF na tumulong sa mga LGU, upang masolusyunan ang kinakaharap na krisis dulot ng pandemya, sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pasilidad.
Ang bagong quarantine facility sa bayan ng Mariveles, ay mayroong 48 airconditioned room na may sariling comfort room.
Samantala, kamakailan din ay pinasinayaan ang isa pang quarantine facility na nasa bayan naman ng Dinalupihan.
Dumalo sa nasabing pagpapasinaya si Vice Gov.Cris Garcia,Vice Mayor Angelito Rubia, Sangguniang Bayan members, DOH, kapitan ng mga barangay, at mga empleyado ng LGU Mariveles.
Ulat ni Larry Biscocho