Bagong SWS survey patunay na palpak ang war on drugs ng Duterte administration
Pinatunayan lang ng Social Weather Stations survey na bigo ang war on drugs ng administrasyong Duterte at dapat nang matigil ang extrajudicial killings.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, dapat magsilbing wake up call sa gobyerno ang resulta ng SWS survey na nagpapakitang kakaunti ang mga Pilipinong kuntento sa polisiya ng administrasyon sa paglaban sa iligal na droga.
Sabi ni Villarin, oras na para bigyan nang ultimatum ang pulisya para hulihin at kasuhan ang mga mamamatay-taong vigilante o mismong kabaro nila.
Sa halip anya na bigyang-parangal ni Pang. Duterte ay dapat parusahan ang mga ito.
Dagdag pa ng kongresista, dapat namang mamulat na rin sa katotohanan ang mga tao matapos mamatay ang mahigit 8 libong Pilipino.
Iginiit ni Villarin na tao rin ang mga adik at mali na basta na lamang sila pagpapatayin.
Ulat ni: Madelyn Villar- Moratillo