Bagong testing at quarantine protocol para sa mga balikbayang pinoy ipapatupad sa Pebrero – Malakanyang
Magpapatupad ng panibagong testing at quarantine protocols ang Inter-Agency Task Force o IATF para sa mga balikbayang papayagang pumasok ng bansa simula sa unang araw ng Pebrero.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque lahat ng arriving passengers saan mang bansa ang kanilang pinagmulan ay obligadong sumailalim sa facility-based quarantine pagdating ng Pilipinas.
Ayon kay Roque sasailalim ang balikbayan sa RT-PCR test sa ikalimang araw mula sa pagdating sa bansa maliban na lamang kung ang isang pasahero ay agad nagpakita ng sintomas ng COVID 19 habang nasa quarantine facility.
Inihayag ni Roque kapag ang isang pasahero ay negatibo sa virus ay i-endorso ito sa nakakasakop na Local Government Unit o LGU kung saan siya umuuwi at doon na ipagpapatuloy ang natitirang araw sa kanyang 14 day quarantine period kung saan mahigpit itong imomonitor ng nakatalagang tauhan ng lokal na pamahalaan.
Iginiit ni Roque,mahigpit ang tagubilin ng IATF na sundin ang appropriate patient management alinsunod narin sa guidelines ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases at ng Department of Health Omnibus Guidelines on Prevention, Detection, Isolation, Treatment and Reintegration Strategies for COVID-19.
Vic Somintac