Bagong Tourism chief, may listening tour sa iba’t ibang rehiyon sa bansa
Nakatakdang simulan ngayong linggo ng bagong kalihim ng Department of Tourism (DOT) ang kaniyang listening tour sa iba’t ibang rehiyon bilang bahagi ng mga hakbangin sa pagbuhay muli sa turismo ng bansa
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Christina
Frasco sa pagdalo nito sa kaniyang unang flag ceremony sa DOT bilang pinuno ng kagawaran.
Layunin ng listening tour na makita at mapakinggan nang personal ni Frasco ang mga isyu at problema na kinakaharap ng mga regional offices ng DOT at tourism stakeholders at makabuo ng mga solusyon.
Nais din kasi ng tourism chief na mabigyan ng patas na oportunidad para mapaunlad at ma-promote ang iba pang tourism sites sa bansa na hindi pa gaano kakilala.
Umapela naman si Frasco sa mga tauhan ng DOT ng suporta, pagkakaisa, at committment upang mapalakas muli ang turismo at makapagbigay ng hanapbuhay sa pamamagitan ng tourism programs.
Inihayag ng kalihim na ang mithiin at direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay maging pangunahing contributor at haligi ng ekonomiya ang turismo sa ilalim ng liderato nito.
Kaugnay nito, sinabi ni Frasco na makikipagtulungan ang DOT sa DPWH at Department of Transportation para mapagbuti ang mga access at imprastraktura sa mga tourist destinations sa bansa.
Moira Encina