Bagyong Francine nanalasa sa timog ng Estados Unidos
Binayo ng Bagyong Francine ang magkabilang panig ng timog ng Estados Unidos sa pamamagitan ng malalakas na ulan at hangin, at nagdulot din ng malawakang pagkawala sa suplay ng kuryente para sa libu-libong mga tahanan at mga negosyo.
Sinabi ng National Hurricane Center sa kanilang advisory, na humina na ito sa tropical depression mula sa isang Category 2 hurricane habang kumikilos pa-hilagang-silangan sa central Mississippi, ngunit taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na 35 miles per hour (55 km per hour) at nagbabanta sa mga lugar ng mapanganib na storm surges.
Inaasahang lalo pa itong hihina at magiging isa na lamang post-tropical cyclone.
Inaasahan din na bubuhos ang malakas na ulan sa buong araw sa Louisiana, Mississippi, Alabama at Florida panhandle makaraang bahain ang maraming lugar sanhi ng ilang oras na pagbuhos ng ulan.
Sa kabuuan, ang ilang mga lugar ay maaaring makaranas ng hanggang 12 pulgada (30 cm) ng ulan bago ganap na humupa ang bagyo.
Isinara na ang mga tanggapan ng gobyerno, mga eskuwelahan at libraries sa buong rehiyon dahil sa napaulat na malawakang pagbaha.
Sinabi ni Jennifer Van Vrancken, isang councilwoman sa Jefferson Parish, “Our drainage system just couldn’t keep up. This will be a flood where people remember getting water inside their homes.”
Inabisuhan naman ang mga residente sa New Orleans na magtipid ng tubig dahil sa isang major failure sa kanilang sewage treatment plant.
Dahil sa bagyo ay mahigit sa 400,000 mga tahanan at negosyo ang nawalan ng suplay ng kuryente, at dose-dosenang katao rin ang iniligtas mula sa baha sa magkabilang panig ng three-state region.
Ayon sa tanggapan ng local sheriff, sa timog ng New Orleans sa Lafourche Parish, mahigit sa dalawang dosenang katao, kabilang ang maliliit na mga bata, ang nailigtas mula sa tumataas na tubig-baha.
Ang sikat na French Quarter neighborhood sa New Orleans na sikat sa kaniyang tourist bars at restaurants, ay isinara muna kung saan kapansin-pansin ang presensiya ng mga pulis at iilan ang mga taong nakikitang naglalakad sa daan.
Naka-angkla lang din ang Valor cruise ship ng Carnival Cruise Line, habang hinihintay ang muling pagbubukas ng home port nito sa New Orleans.
Kapwa naman nagdeklara ng isang state of emergency si Louisiana Governor Jeff Landry at US President Joe Biden bilang paghahanda sa bagyo, upang magamit ang emergency management resources at potensiyal na financial aid sakaling magkaroon ng serious damage.