Bahagi ng bagong dating na Astrazeneca vaccines sa bansa, ipagkakaloob sa Transport sector
Makababahagi ang Transport sector ng bansa sa bagong dating na 661,200 doses ng Astrazeneca vaccines.
Ang mga bakuna na binili ng pribadong sektor ay dumating sa bansa ngayong Biyernes sa NAIA Terminal 1 lulan ng China Airlines Flight CI 701.
Sinalubong ito nina National Task Force Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., Presidential Adviser for Entrepreneurship at GoNegosyo founder Joey Concepcion at AstraZeneca country president Lotis Ramin.
Ayon kay Concepcion, dahil marami na sa private sector ang nabakunahan na ay tumutulong naman sila sa ibang grupo gaya ng mga nasa sektor ng transportasyon na mabakunahan dahil sila man ay essential workers din.
Isa aniya ang transport sector sa matinding naapektuhan ng Covid-19 Pandemic dahil sa limitadong pagbiyahe sa ilalim ng mga alituntunin sa ipinatutupad na community quarantine.
Dahil sa pagdating ng mga bakuna, kumpleto na aniya ang first batch order nila ng Astrazeneca vaccines para sa private sector at ang second batch ay inaasahang darating bago matapos ang 2021 o hanggang Enero ng 2022.
Maliban sa mga manggagawa, kabilang sa mga benepisyaryo ng vaccine program ng private sector ay mga asawa at anak at iba pang dependents ng private workers.