Bahagi ng Caluya, Antique apektado na rin ng oil spill
Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG), na ang langis na tumagas sa katubigan ng Mindoro matapos tumaob ang isang motor tanker sa Naujan noong Pebrero 28, ay umabot na sa Antique.
Ayon sa PCG, na-monior nila ang langis ngayong Sabado, March 4, sa sumusunod na mga barangay sa Caluya:
1) Sitio Sabang, Brgy. Tinogboc (1km)
2) Sitio Tambak, Brgy. Semirara (2km)
3) Liwagao Island, Brgy. Sibolo (2km)
Sinabi ng Liwagao local government na higit-kumulang 600 mga residente o 150 mga pamilya ang apektado nito.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng shoreline cleanup ang mga awtoridad sa mga apektadong lugar.
Una nang sinabi ng Department Environment and Natural Resources (DENR), na higit sa 2,000 ektarya ng coral reefs, mangroves, at seagrass ang maaaring naapektuhan ng oil spill.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon ng PCG, na umalis ang tanker mula sa Bataan at patungo na sa Iloilo sakay ang 20 crew members nang mag-overheat ang makina nito.
Ang tanker ay naanod patungo sa katubigan ng Balingawan Point dahil sa maalong lagay ng dagat, hanggang sa lumubog ang kalahati nito.