Bahagi ng inter-Korean road at mga linya ng tren, pinasabog ng NoKor
Pinasabog ng North Korea ang mga bahagi ng inter-Korean roads at mga rail line sa kanilang panig ng border o hangganan ng dalawang Korea, na inaasahang magpapatindi sa tensiyon sa Korean peninsula.
Ayon sa isang mensahe na ipinadala sa media, sinabi ng Joint Chiefs of Staff (JCS), na ilang parte sa hilaga ng mga kalsada at linya ng tren na nakakonekta sa South Korea ang pinasabog.
Bilang tugon, nagpaputok ng warning shots ang militar ng South Korea sa south military demarcation line na humahati sa dalawang Korea, bagama’t ang mga pagsabog ay hindi naman nagdulot ng anumang pinsala sa border na nasa panig ng Seoul.
Ang mga pagsabog ay ginawa makaraang mangako ng Pyongyang noong isang linggo na lubusan na nitong puputulin ang inter-Korean roads at railways, at lalo pang palalakasin ang mga lugar na nasa panig ng kanilang border.
Una nang nagbabala ang Seoul noong Lunes na naghahanda na ang NoKor na gawin ang pagpapasabog.
Ayon sa JCS, “The North has already been installing landmines and barriers along the border, and was seen on Monday doing additional work with heavy equipment.”
Pinaigting naman ng SoKor ang kanilang surveillance at kahandaan pagkatapos ng insidente.
Humigit-kumulang sa 180 billion won ($132 million) mula sa buwis ng mga mamamayan ang ginugol ng South Korea upang muling itayo ang inter-Korean road, ayon sa Yonhap news agency.
Tumindi ang ‘word war’ sa pagitan ng dalawang Korea matapos akusahan ng NoKor ang South nang pagpapadala ng drones sa kabisera ng North, ang Pyongyang, kung saan nagpakalat ito ng maraming bilang ng anti-North leaflets na tinawag nitong political at military provocation, na maaaring mauwi sa isang armed conflict.
Tumanggi naman ang isang tagapagsalita ng JCS na sagutin kung ang South Korean military o mga sibilyan ang nagpalipad ng sinasabing drones.
Sa ulat ng state media ng NoKor na KCNA, noong Lunes ay pinangasiwaan ni North Korean leader Kim Jong Un ang isang pulong kasama ng defense at security officials, upang pag-usapan kung paano tutugon sa anila’y “serious provocation” ng kaaway sa kasarinlan ng DPRK.
Ang ibig sabihin ng DPRK ay Democratic People’s Republic of Korea, ang opisyal na pangalan ng North Korea.