Bahay ng Tokyo Olympics executive, ni-raid ng Japanese police
Ni-raid ng Japanese police nitong Martes (July 26), ang bahay ng isang 2020 Tokyo Olympics board member na umano’y tumanggap ng salapi mula sa isang sponsor kung saan siya may nilagdaang consulting contract.
Ang 78-anyos na si Mr. Haruyuki Takahashi, ay hinihinalang tumanggap ng libu-libong dolyar mula sa high street business suit retailer na Aoki Holdings, isang official partner ng 2020 Tokyo Olympics na ginanap noon lamang isang taon makaraang maantala dulot ng pandemya.
Sa report ng Kyodo news agency, na iyon ay maaaring maging bribery o suhol, dahil si Mr. Takahashi ay itinuturing na isang quasi-civil servant na hindi pinahintulutang tumanggap ng pera o mga regalo na may kaugnayan sa kanyang posisyon.
Sinabi naman ng Tokyo prosecutors’ office na hindi ito makapagkokomento sa individual cases.
Ayon sa local media, ang isang sports consulting firm na pinatatakbo ni Mr. Takahashi ay hinihinalang tumanggap ng salapi mula sa Aoki para sa isang kontratang nilagdaan noong 2017.
Pagkatapos, noong 2018 ang Aoki ay naging Tokyo Games sponsor, na nagpapahintulot dito na gamitin ang event logo at magbenta ng opisyal na lisensiyadong mga produkto.
Sinabi ni Mr. Takahashi sa isang pahayagan doon noong nakaraang linggo, na ang salaping tinanggap ng kaniyang kompanya ay para sa konsultasyon.
Aniya . . . “There was no conflict of interest whatsoever with my position as an organising committee board member.”
Nagpalabas naman ng pahayag ang Aoki noon ding nakalipas na linggo na nagsasabing wala itong komento sa mga ulat ng bayaran.
Si Mr. Takahashi, na isang dating executive sa pinakamalaking advertising agency ng Japan na Dentsu, ay nagsilbi sa Tokyo 2020 board mula pa noong June 2014.
Noong nakaraang buwan, ang Tokyo Olympics organising committee ay nabuwag na.
Ang kaso ay hindi ang unang pagkakataon na kinuwestiyon ang tungkol sa kawalan ng katapatan sa olimpiyada.
Noong 2016, ang French prosecutors ay naglunsad ng isang imbestigasyon sa mga alegasyon ng korapsiyong may kaugnayan sa bid ng Tokyo para sa Games.
Ang dating pinuno ng Olympic Committee ng Japan na si Mr. Tsunekazu Takeda, ay bumaba sa puwesto noong 2019 habang iniimbestigahan ng French authorities ang kaniyang pagkakasangkot sa bayarang nangyari bago nai-award sa Tokyo ang event.
Ang French investigation ay sumentro sa mga bayarang nangyari sa Singapore-based firm na Black Tidings, na iniuugnay sa anak na lalaki ng dating miyembro ng International Olympic Committee na si Lamine Diack.
Ang Tokyo Olympics ay nagbukas noong July 23 ng nakalipas na taon makaraang maantala dahil sa coronavirus pandemic.
Ang mga laro ay ginanap sa mga stadium na walang tao, matapos pagbawalan ang fans na manood sa gitna ng virus surge sa Japan.
© Agence France-Presse