Bahay ni Taylor Swift sa New York pinasok ng stalker
NEW YORK, United States (AFP) — Arestado ang isang umano’y stalker ng pop superstar na si Taylor Swift, matapos nitong pasukin ang New York apartment ng singer.
Ang 52-anyos na si Hanks Johnson, ay kinasuhan ng criminal trespassing matapos rumesponde ng mga pulis sa isang emergency call tungkol sa isang taong pumasok sa bahay ni Swift, sa Tribeca sa Manhattan.
Gayunman ay pinawalan din ito kasunod ng isang arraignment sa Manhattan criminal court.
Nabatid na sa nakalipas na anim na buwan ay nagtutungo si Johnson sa bahay ni Swift, para pindutin ang doorbell nito nang hindi bababa sa limang ulit.
Ang 31-anyos na singer, ay naging biktima na rin ng stalkers sa mga nauna niyang tinirhan sa mga nakalipas na taon.
Noong June 2019, isang lalaking taga Iowa ang inaresto matapos nitong magtungo sa Rhode Island, kung saan may bahay si Swift. May dala itong burglary tools kasama na ang isang aluminum baseball bat at plano aniya niyang bisitahin ang singer.
Si Roger Alvarado naman ay makailang ulit nang naaresto sa pagpasok sa Manhattan home ni Swift, nitong mga nagdaang taon.
Isa sa lubhang kinatatakutan ni Swift ay ang karahasan, kaya’t sa ilang mga nakalipas niyang concert ay nagkaroon ng facial recognition technology, para matukoy ang mga potensyal na stalker sa kalipunan ng mga manonood.
© Agence France-Presse