Bakbakan sa Marawi City, posibleng matapos na ngayong Agosto
Posibleng matapos na ang nagpapatuloy na bakbakan ng tropa ng pamahalaan at ng Maute Terror group sa Marawi City ngayong buwan.
Ayon kay Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Joint Task Force Ranao, malaki ang tyansa na matapos na ang krisis sa Marawi bago matapos ang Agosto.
Bagaman ginagawa ng mga sundalo ang lahat para tuluyang mapulbos ang Maute, wala naman aniya silang itinatakdang deadline.
Sinabi pa ni Brawner, ang mga natitirang miyembro ng Maute group sa Marawi ay nananatili sa mga Mosque kung saan nasa apatnapu hanggang animnapu ang mga bihag.
Nauubusan na aniya ang Maute ng mga bala batay na rin sa pagtugon nila sa mga atake ng tropang gobyerno.