Bakbakang Donaire-Inoue 2, kasado na sa June
Plantsado na ang rematch ng kasalukuyang World Boxing Council (WBC) bantamweight champion na si Nonito Donaire, Jr. at ng World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) bantamweight king na si Naoya Inoue sa Hunyo 7 sa Super Arena sa Saitama, Japan.
Si Inoue mismo ang naghayag nito sa kanyang social media account, kung saan masaya niyang ibinalita na matutuloy na ang rematch nila ni Donaire, tatlong taon makaraan ang una nilang paghaharap sa ring.
Unang nagkaharap sina Donaire at Inoue sa finals ng World Boxing Super Series (WBSS), na pinagwagian ng Japanese boxer sa pamamagitan ng unanimous decision noong Nobyembre 7, 2019 sa Super Arena sa Saitama.
Si Donaire at Inoue ay kapwa galing sa panalo.
Mayo 29, 2021 nang talunin ni Donaire si Nordine Oubaali via fourth round knockout, para makuha ang WBC belt sa sagupaan nila sa Carson, California. Nasundan ito ng isa pang 4th round knockout win laban sa kapwa Pinoy na si Raymart Gaballo noong Disyembre 11, 2021 sa parehong venue.
Samantala, tinalo naman ni Inoue ang Pinoy boxer na si Michael Dasmarinas via third round knockout sa Las Vegas, Nevada noong Hunyo 19, 2021 na sinundan ng isang eight-round knockout victory laban kay Aran Dipaen noong Disyembre 14, 2021 sa Tokyo Japan.