Bakit 12 lang ang inihahalal sa 24 na miyembro ng Senado
Maaaring nagtataka ang ilang botanteng Filipino kung bakit 12 miyembro lang ng Senado ang inihahalal kada tatlong taon, gayong 24 naman talaga ang mga senador na dumadalo sa pagbubukas ng Kongreso tuwing ika-apat na Lunes ng Hulyo, kasunod ng mga botohan.
Ang sagot ay nasa 27-Section Transitory Provisions ng 1987 Constitution, partikular sa Section 2 ng Article XVIII na nagsasaad na “ang mga senador, miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, at ang mga lokal na opisyal na unang nahalal sa ilalim ng Konstitusyong ito ay magsisilbi hanggang tanghali ng Hunyo. 30, 1992. Sa mga senador na nahalal sa eleksiyon noong 1992, ang unang 12 na nakakuha ng pinakamataas na bilang ng mga boto ay magsisilbi sa loob ng anim na taon (buong termino) at ang natitirang 12 sa loob ng tatlong taon”.
Kalahati ng 24 na senador (Blg. 1 hanggang 12) na inihalal noong Mayo 1992 ay pinanatili hanggang Hunyo 30, 1998, habang ang kalahati naman (Blg. 13 hanggang 24) ay pinalitan sa botohan noong 1995. Ang 12 senador na nahalal noong 1995 ay mananatili sa Senado para sa susunod na anim na taon hanggang 2001.
Ito ang naging kaugalian mula noong 1995 sa halalan ng isang dosenang senador kada tatlong taon (1998, 2001, 2004, 2007, 2010, 2013, 2016, 2019), para sa anim na taong termino upang palitan ang papalabas na 12 miyembro.
Ang Transitory Provisions sa ilalim ng Seksyon 5 ay nagbigay-daan din para pagsabayin ang pambansa at lokal na halalan, sa pamamagitan ng pagpapalawig sa anim na taong termino ng yumaong Pangulong Corazon Aquino at Bise Presidente Salvador Laurel ng anim na buwan hanggang tanghali ng Hunyo 30, 1992 pagkatapos na sila ay mahalal noong February 7, 1986 snap polls.
Ang 12 senador na mahahalal mula sa 64 na mga aspirante sa Mayo 9, ay manunungkulan sa loob ng anim na taon o hanggang Hunyo 30, 2028.
Makakasama sila ng 12 mambabatas na nahalal noong May 13, 2019 election na kinabibilangan nina Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Pia Cayetano, Ronald Dela Rosa, Christopher Go, Lito Lapid, Imee Marcos, Koko Pimentel III, Grace Poe, Ramon Revilla Jr., Francis Tolentino, at Cynthia Villar.