Balik operasyon ng mga provincial buses pinayagan na ng IATF

Inaprubahan na ng Inter Agency Task Force o IATF ang kahilingan na magpapahintulot sa pagbabalik operasyon ng mga provincial buses.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na point to point at piling stop over lamang ang pahihintulutan.

Ayon kay Roque maglalabas ng kaukulang guidelines ang Department of Transportation o DOTR at Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB sa pagbabalik operasyon ng mga provincial buses.

Inihayag ni Roque na ang pagbabalik operasyon ng mga provincial  buses ay bahagi parin ng layunin ng pamahalaan na ibalik ng buo ang galaw ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng new normal.

Nauna rito ay nagsumite ng petisyon ang mga operator at empliado ng mga provincial buses dahil mahigit siyam na buwan na silang tigil sa operasyon mula ng magsimula ang pandemya ng COVID 19 sa bansa noong buwan ng Marso.

Samantala kasama sa pinagtibay ng IATF ang resolusyon na magiging madatory na ang pagsusuot ng face shield ng publiko sa lahat ng pagkakataon tuwing lalabas ng tahanan upang karagdagang proteksyon laban sa pandemya ng COVID 19.

Niliwanag ni Roque ang mga lokal na pamahalaan ang magpapatupad ng mandatory na pagsusuot ng face shield.

Vic Somintac

Please follow and like us: