Bamban Mayor Alice Guo, Aalisin sa NPC kung mapatunayang totoo ang alegasyon sa kaniya
Iniimbestigahan na ng Nationalist People’s Coalition ang mga isyu patungkol sa kanilang miyembro na si Bamban Mayor Alice Guo.
Sa kapihan sa Manila bay news forum sinabi ni dating Senador Tito Sotto, Chairperson ng NPC, na si Tarlac Governor Susan Yap na Chairman ng NPC-Tarlac ang nangunguna sa imbestigasyon.
Anuman aniya ang maging resulta nito ay isusumite naman sa kanilang membership committee.
Giit ni Sotto mahigpit sila sa pagsala sa mga gustong sumali sa kanilang partido.
Bukod sa isyu ng nationality nauugnay rin si Guo sa Philippine Offshore Gaming Operation.
Binigyang diin ni Sotto na hindi kukunsintihin ng partido kung makita na may naging pagkakamali talaga si Guo.
Inihalimbawa niya ang pagtanggal nila kay dating Congressman Arnolfo Teves bilang miyembro dahil sa mga kinakaharap nitong kaso.
Matatandaang nang sumabak sa 2022 Elections si Guo ay tumakbo siya bilang isang Independent candidate.
Naging miyembro umano siya ng NPC ng ito ay alkalde na ng Bamban.
Ang partido naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,na Partido Federal ng Pilipinas, mahigpit sa pagsala sa gustong sumali sa kanila.
Ayon kay Dr John Ortiz Teope, National Deputy Secretary ng Partido Federal ng Pilipinas, mismong ang anak ng pangulo na si Congressman Sandro Marcos ang Chairman ng kanilang steering committee na sumasala sa kanilang mga miyembro.
Isa aniya sa prinsipyo nila ay tiyakin ang kredibilidad ng kanilang mga miyembro.
Madelyn Villar-Moratillo