Bamban Mayor Guo, nanganganib maharap sa perjury case kung nagsinungaling sa kaniyang COC
Nagbabala ang Commission on Elections ( COMELEC) na maharap sa kasong perjury si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kung mapatunayang nagsinungaling sa kaniyang isinumiteng Certificate of Candidacy (COC).
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia “ Sa COC, may declaration doon, I am a citizen of the Philippines, iyan ang pinanumpaan. Kung mapatunayan na ‘di naman pala talaga siya Filipino citizen, siya ay puwede maging liable o makasuhan ng perjury pagkat sinumpaan sa mismong COC”.
Kasabay nito, nilinaw ni Garcia na ministerial lang ang duty nila. Kapag nagsumite sa kanila ng requirements ang isang nais kumandidato sa halalan, kailangan nila itong tanggapin.
Puwede lang itong imbestigahan ng Comelec kung may maghain ng petisyon para sa diskuwalipikasyon o kanselasyon ng COC nito.
“ Di namin kilala lahat ng kandidato, dapat may magfile…sa verification naming, wala nag-file na disqualification case sa kaniya bilang kandidato “ ani Garcia.
Nilinaw din ng opisyal na hindi kasama sa requirement sa paghahain ng kandidatura na patunayan na siya ay isang Filipino citizen.
Dagdag pa ng Comelec Chairman “ Dalawang klase ang citizen sa Pilipinas: natural born, ang nanay at tatay mo ay Filipino o kaya naturalized, dating foreigner pero nag-asawa ka ng Filipno o such other reason ikaw ay naturalized “.
Sa datos ng Comelec, noon lamang Abril 2021 nagparehistro sa kanila si Guo bilang bagong botante.
Madz Villar-Moratillo