Bamban Tarlac Mayor Alice Guo pumalag sa isinampang kaso sa kanya ng PNP – CIDG at PAOCC sa DOJ
Nanindigan si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na wala itong koneksyon sa anumang POGO sa bansa kaya hindi aniya tamang tawagin siyang “conspirator” nang walang matibay na ebidensya.
Ginawa ni Guo ang reaksyon matapos kasuhan ng Anti-Trafficking in Persons ng PNP – CIDG at Presidential Anti-Organized Crime Commission sa Department of Justice.
Binigyang-diin ni Guo na ang pagkakaroon lang ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat.
Ang ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan aniya ng sapat na ebidensya.
Wala aniya siyang anumang kaugnayan o pakikibahagi sa Zunn Yuan Technology, Inc. o anumang POGO sa bansa.
Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, kumpiyansa si Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga alegasyon.
Nanawagan rin siya ng masusi munang imbestigahan ang mga kaso bago maglabas ng anumang pahayag sa publiko.
Tiniyak rin niya ang kahandaang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya
Madelyn Moratillo