Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sinampahan ng reklamong human trafficking sa DOJ
Reklamong qualified trafficking in persons ang inihain sa Department of Justice (DOJ) ng PNP- CIDG at ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at 13 iba pang indibiduwal.
Kaugnay ito sa sinasabing pagkakasangkot ng alkalde sa mga operasyon ng POGO sa Bamban na sinalakay noong Marso ng mga otoridad.
Si Guo ay sinasabing dating incorporator ng Baofu Compound sa Bamban kung saan matatagpuan ang Zun Yuan Technology at kung saan nasagip ang mga biktima na sinasabing pinuwersa at tinakot para magtrabaho.
Tiwala ang inter agency task force na may matibay na ebidensya na nagsabwatan ang mayor at iba pang inireklamo para makagawa ng human trafficking sa POGO hub.
Kabilang din sa inireklamo ng PAOCC at CIDG ang dating hepe ng Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) at PDAF scam convict na si Dennis Cunanan na iniuugnay sa isa sa mga POGO sa Bamban.
Tiniyak ni Justice Undersecretary Nicholas Ty na bibigyan ng pagkakataon sina Guo at iba pang respondents na sagutin ang reklamo sa DOJ at magiging patas ang mga piskal ng DOJ sa pagdinig nito.
Sinabi pa ni Ty na maaaring sa susunod na linggo ay ilabas ng DOJ ang immigration lookout bulletin order laban kina Guo para lang masiguro na mababantayan ang pag-alis nito sa bansa.
Inihayag naman ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz na humingi na ng tulong sa kanila ang ilang LGUs dahil sa mga hinihinalang illegal POGOs sa kanilang mga lugar.
Siniguro rin ng Pambansang Pulisya na pinaiigting na rin nito ang kanilang pakikipagtulungan sa PAOCC para labanan ang illegal POGOs.
Kinumpirma ng task force na masusundan pa ng iba pang reklamo ang human trafficking complaint na isinampa nito laban kina Guo.
Moira Encina- Cruz