Bar examinees na nagpositibo sa COVID-19, nasa 1% lang– Leonen
Umaabot lamang sa mahigit 1% ng bar examinees ang nagpositibo sa COVID-19.
Alinsunod sa COVID-19 protocols ng Korte Suprema para sa bar exams, kinakailangan na sumailalim sa antigen o RT-PCR testing ang kukuha ng pagsusulit.
Maaaring sumailalim ang mga examinees sa Supreme Court-administered antigen test o kaya ay sa pribado o DOH-accredited testing centers.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice at Bar Chairperson Marvic Leonen, 8,461 examinees ang sumailalim sa SC-administered antigen testing.
Mula sa nasabing bilang aniya ay 1.36% lamang o 115 ang nagpositibo sa COVID.
May mga nagpositibo rin aniya sa mga examinees na nagpa-COVID test sa labas.
Pero, nilinaw ni Leonen na mayroon sa nabanggit na COVID positives ang pinayagan na makakuha pa rin ng pagsusulit.
Ang mga ito ay ang mga nagpositibo pero recovered o recovering kaya hindi aniya totoo na ang lahat ng nagpositibo ay hindi na makakakuha ng bar exams.
Sa ngayon ay wala pang datos ang Korte Suprema kung ilan ang aktuwal na examinees na hindi nakatuloy makapasok sa local testing sites dahil nagpositibo sa sakit.
Humingi naman ng pang-unawa si Leonen sa mga bar applicants na nagrebyu ng dalawang taon pero bigong makapag-exam dahil nahawahan ng virus.
Aniya masakit sa kalooban niya at ng buong SC na may mga nagpositibo na hindi nakapagsulit.
Ipinunto ni Leonen na hindi maaaring labagin ng Korte Suprema ang mga batas at patakaran na ipinapatupad ng gobyerno.
Malabo rin aniya ang panukala ng ilan na magkaroon hiwalay na isolation room sa mga nagpositibo dahil batay sa protocols ng DOH kailangang mag-isolate ang mga positibo sa loob ng pitong araw at hindi ito sa premises ng exam sites.
Moira Encina