Barangay election gustong muling ipagpaliban ni Pang. Duterte mga incumbent official papalitan ng mga OIC
Binabalak muli ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang nakatakdang barangay election sa darating na Oktubre.
Sinabi ni Pangulong Duterte sa press conference pagdating mula Bangkok Thailand hindi niya papayagang mahalal ang mga personalidad na sangkot sa iligal na droga na gagamit ng drug money sa kampanya.
Ayon sa Pangulo hihilingin nito sa Kongreso na magpasa ng batas o resolusyon para hindi matuloy ang barangay election dahil 40 percent ng mga kapitan sa buong bansa ay sangkot sa iligal na droga.
Kaugnay nito balak ni Pangulong Duterte na magtalaga na lang ng Officer-in-Charge o OIC sa mga incumbent barangay captain na nasa holdover capacity.
Una ng ipinagpaliban ang barangay election noong nakaraang taon dahil sa kaparehas na rason hinggil sa pagkakasangkot umano ng mga barangay official sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Ulat ni : Vic Somintac