Barko ng Philippine Navy biyaheng Catanduanes para maghatid ng relief supplies at tumulong sa clearing operations
Tumulong na rin ang barko ng Philippine Navy sa paghahatid ng relief supplies para sa mga kababayan natin sa Catanduanes na sinalanta ng Bagyong Rolly at Ulysses.
Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang send off ceremony ng BRP Tarlac ng Philippine Navy sa Pier 15 sa South Harbor sa Maynila.
Sakay nito ang mga donasyon bigas, inuming tubig, mga de lata, mayroon ding mga lona at construction materials para sa mga kababayan nating nabiktima ng kalamidad.
Ang mga donasyon ay mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng DSWD at Bureau of Immigration.
Mayroon ding donasyon mula sa mga pribadong organisasyon .
Sakay din ng BRP Tarlac ang ilang mga tauhan ng Philippine Navy at sasakyan na gagamitin naman upang tumulong sa clearing operations sa Catanduanes.
Ayon kay Lorenzana, marami pang nais magpaabot ng tulong sa mga nasalanta.
May foreign aids din aniya mula sa Estados Unidos at Japan.
Sa panig naman ng gobyerno , tiniyak ni Lorenzana na hindi sila titigil sa pagtulong sa mga biktima ng mga kalamidad hanggang sa sila ay makabangon na.
Madz Moratillo