Barko ng Pilipinas at China muntik nang magsalpukan sa West Phl Sea
Muntikan nang magsalpukan at magkabanggan ang dalawang barko ng Pilipinas at China sa pinagtatalunang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Naganap ang insidente sa pagitan ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Chinese Coast Guard (CCG) habang nagsasagawa ng ‘site survey’ ang dalawang barko ng Pilipinas, sakay ang mga inimbitahang mamamahayag.
Sakay ng BRP Malapascua at BRP Malabrigo, naglayag ang mga Coast Guard vessel sa palibot ng mga isla na inookupa at inaangkin ng Pilipinas.
Aabot sa higit 100 hini-hinalang barko ng China ang namataan ng PCG) sa ginawang pagpapatrolya mula April 18 hanggang 24 sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea na kinabibilangan ng Chinese Maritime Militia vessels, People’s Liberation Army (PLA) Navy Corvette Class at 2 China Coast
Guard vessels.
Sa kabila ng ilang radio challenges ng dalawang barko ng PCG ay hindi umalis sumagot ang mga ito at hindi rin umalis sa lugar.
Nagbanta pa ang Chinese Coast Guard na kung hindi aalis ang barko ng Pilipinas ay may masamang mangyayari.
Sa report ng PCG nagsagawa ng delikadong maneuver ang barko ng China malapit sa BRP Malapascua sa distansyang 50 yards.
Habang ang isang barko naman ng Tsina ay sinundan ang BRP Malabrigo sa distansyang 700 yards at binantayan ang mga kilos nito.
Ayon sa PCG iniulat na nila ang insidente sa National Task Force West Philippine Sea.
Naganap naman ang panibagong tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas isang araw matapos ang pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese Foreign Minister Qin Gang kung saan nagkasundo silang buksan ang higit na komunikasyon sa magkabilang panig sa isyu ng West Phlippine Sea.
Madelyn Villar- Moratillo