Batang lalaki, naputulan ng binti matapos kagatin ng pating sa Florida
Pinutol ang ibabang bahagi ng binti ng isang sampung taong gulang na batang lalaki, matapos siyang kagatin ng pating habang nag-i-snorkeling sa Florida Keys.
Sa pahayag ng Florida Fish and Wildlife Conservation Commission, si Jameson Reeder, Jr., ay inatake sa Looe Key Reef.
Sa isang Facebook post ng kaniyang tiyuhin na si Joshua Reeder, nakasaad na si Jameson ay sakay ng bangka kasama ng kaniyang mga magulang at tatlong kapatid, at nag-snorkeling sa mababaw na reef nang atakihin sa ilalim ng tuhod ng pating na pinaniniwalaang isang bull shark na walong talampakan ang haba.
Nagawa namang makaligtas ni Jameson sa tulong ng kaniyang ama, pagkatapos ay agad siyang dinala sa Miami Children’s Hospital kung saan kinailangang putulin ang kaniyang binti sa ilalim ng tuhod.
Sinabi ni Joshua Reeder, “He is now out of surgery and resting.”
Bagama’t naging kapansin-pansin na ang isang mas mataas kaysa sa normal na bilang ng shark encounter sa baybayin ng New York ngayong summer, ang pangkalahatang panganib na makagat ng isang pating ay nananatiling mababa.
Halos stable na ngayon ang global trends pagkatapos tumaas nang kaunti sa nakalipas na 30 taon, na bahagyang dahil sa tumaas na recreational activities ng mga tao at ang recovery ng humihina nang populasyon ng mga pating.
Noong nakaraang taon, mayroong 73 unprovoked attacks sa buong mundo, ayon sa Florida Museum. Halos lahat ng pag-atake ay resulta ng “mistaken identity” dahil hindi sinasadyang atakihin ng mga pating ang mga tao.
Karamihan sa mga pag-atake sa Estados Unidos ay nagaganap sa Atlantic coast ng Florida, na tahanan ng mga isdang pang-pain na pagkain ng ilang species ng pating.
© Agence France-Presse