Batas sa cryptocurrency transfers, ipinasa ng El Salvador
Inaprubahan ng legislative assembly ng El Salvador ang batas sa digital assets na naglalayong legal na protektahan ang mga paglilipat o mga isyu sa utang sa cryptocurrencies.
Ang El Salvador ang unang bansang nagpatibay sa bitcoin bilang isang legal currency noong Setyembre 2021, na ginagamit ito kasama ng US dollar, na pinagtibay naman nito bilang kanilang currency noong 2001.
Ang 47-article law ay nakatanggap ng 62 mga botong pabor mula sa 84 seats sa Kongreso.
Sa kaniyang social media post ay sinabi ni El Salvador President Nayib Bukele, “El Salvador’s Legislative Assembly has just approved, by an overwhelming majority, the new Digital Securities Law! Forward, always forward.”
Ang bagong batas ay magbibigay daan para sa pagbili ng $1 bilyon sa “crypto bonds” o “volcano bonds.”
Noong Nobyembre 2021, inihayag ni Bukele ang pagtatayo ng isang “Bitcoin City” sa silangang departamento ng La Union, na pagaganahin ng geothermal energy mula sa isang bulkan sa rehiyon.
Ang gobyerno ni Bukele ay nakabili na ng 2,381 bitcoins sa halagang $107 million.
Noong November 17, inanunsiyo ni Bukele na ang kaniyang gobyerno ay bibili ng isang bitcoin kada araw, nang hindi na idinetalye kung hanggang kailan.
Sa kasalukuyan ang trading ng bitcoin ay mas mababa sa $20,000, makaraang umabot ng $68,000 noong November 2021.
© Agence France-Presse