Bayaning Delivery Rider Welfare Ordinance, ipatutupad sa Valenzuela City
Ipatutupad na sa lungsod ng Valenzuela ang isang ordinansang naglalayong protektahan ang kaligtasan at kaayusan ng serbisyo ng delivery riders.
Sa ilalim ng ordinance number 914 series of 2021 o ang tinatawag na Delivery Rider Welfare Ordinance, ang mga establisyimento sa Valenzuela na may puhunan ng higit sa P3,000,000 ay inaatasan na magtayo ng malinis at ligtas na espasyo para sa mga delivery rider, alinsunod sa mga sumusunod na pamantayan:
-Paglalaan ng mga upuan na may sapat na distansya para sa hindi bababa sa 10 delivery riders.
-Pagbibigay ng access sa handwashing station na may sabon, alcohol at disinfectant.
-Pagbibigay ng purified drinking water at disposable biodegradable cups.
-Pagbibigay ng access sa mga electric socket at charging station.
-Paglalaan ng ligtas na parking space.
-Pagbibigay ng sapat na ilaw at bentilasyon.
Para sa mga indoor delivery rider space, kinakailangan ang pagkakabit ng high efficiency air filters, pagtaas ng ventilation rates, pagkakabit ng physical barrier at paglalagay ng footbath sa entry at exit point ng establishment.
Para naman sa outdoor delivery rider space, kinakailangan ang paglalaan ng bubong o malilim na lugar katabi o 10 metro mula sa establishment at pagtiyak na walang baha sa lahat ng oras.
Kailangan pa ring siguruhin na natutupad ang health and safety measures at ang regular na pag-disinfect ng mga espasyong nakalaan sa mga delivery rider.
Ikinatuwa naman ng mga delivery rider ang nasabing ordinansa.
Samantala, exempted sa nasabing ordinansa ang mga home-based business at micro enterprises gaya ng mga sari-sari stores, karinderya, canteen at iba pa.
Sa pangunguna naman ni Coun. Bimbo Dela Cruz, author ng nasabing ordinansa katuwang ang City Business Inspection and Audit Team, ay isinagawa ang pag i-inspeksyon sa mga pribadong establisyimento sa nasabing lungsod para masigurong naipatutupad ang implementasyon ng bagong ordinansa.
Ang mga hindi susunod o lalabag sa nasabing ordinansa, ay pagmumultahin ng P5,000 hanggang P15,000, 24 hours na community service na bubunuin ng mga may ari, suspension o revocation ng business permit at kasong kriminal na may pagkakakulong ng hindi hihigit sa 30 araw.
Kristine Dantes