BBM hiniling sa PET na ibasura ang mosyon ni VP Robredo na ipatigil ang recount ng mga boto sa mga presintong sakop ng kanyang poll protest
Umapela si Dating Senador Bongbong Marcos sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal na ibasura ang mosyon ni Vice-President Leni Robredo na ipatigil ang recount ng mga boto sa mga clustered precint na saklaw ng kanyang election protest.
Ito ay batay sa komento na inihain ng kampo ni Marcos kaugnay sa motion for reconsideration ni Robredo.
Ayon sa legal counsel ni Marcos na si George Garcia, kung walang itinatago si Robredo ay dapat simulan na ang recount para malaman na kung sino talaga ang nanalo sa halalan sa pagka- bise presidente noong 2016.
Nakitaan na rin ng PET ng sapat na porma at substansya ang poll protest ng dating Senador.
Giit pa ni Marcos hindi dapat pamarisan ng SC ang mosyon ni Robredo dahil ito ay taliwas sa mandato ng PET na magkaroon ng patas at mabilis na pagresolba sa mga protesta na inihahain dito.
Tinukoy pa nila na siyam na buwan na ang lumipas nang ihain nila ang poll protest pero ang tanging ginagawa ni Robredo ay maghain ng mga sunud-sunod na dilatory motion para i-delay ang pag-usad ng kaso.
Ulat ni: Moira Encina