BBM ipinababasura sa PET ang counter-protest ni VP Robredo dahil sa kabiguang magbayad ng protest fee
Hiniling ni dating Senador Bongbong Marcos sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal na ibasura na ang counter-protest na inihain ni Vice-President Leni Robredo dahil sa kabiguan na magbayad ng recount fee.
Sa anim na pahinang omnibus motion, sinabi ni Marcos na sa ilalim ng rule 34 ng 2010 PET rules maaring ibasura ng tribunal ang protest o counter-protest kung mabibigong magbayad ang partido ng protest fee sa itinakdang petsa.
Sinabi ni Marcos na hindi nagbayad si Robredo ng paunang cash deposit na eight million pesos noong April 17 na deadline ng pagbabayad at sa halip ay naghain ito ng manifestation at motion for reconsideration.
Nakatugon naman si Marcos sa deadline noong Lunes na bayaran ang first installment na 36 million and twenty three thousand pesos sa kanyang protest fee na mahigit 66 million pesos.
Tinukoy pa ni Marcos ang dalawang election case na pinagtibay ng Supreme Court ang pagbasura dahil sa kabiguan ng mga partido na makabayad ng deposito sa itinakdang oras.
Ito ay ang Perla Garcia et al vs House of Representative Electoral Tribunal and Rep. Harry Angping at Bienvenido William D. Lloren vs COMELEC and Rogelio Pua Jr.
Kasabay nito, muling umapela ang dating Senador sa PET na itakda na ang preliminary conference sa kanyang electoral protest para umusad na ito.
Ulat ni: Moira Encina