BFAR beneberipika kung gumagamit ang Chinese fishermen ng Cyanide sa Bajo De Masinloc
Nakatanggap ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng impormasyon na gumagamit ng Cyanide ang mga mangingisdang Tsino para lasunin ang mga yamang-dagat sa Bajo De Masinloc.
Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, batay ito sa mga pahayag ng mga mangingisdang Pilipino sa Bajo De Masinloc.
Beneberipika na ng BFAR kung totoo ang mga alegasyon ng paggamit ng Cyanide.
Sinabi ni Briguera na kung ito ay totoo ay isa itong paglabag sa International law at treaties gaya ng UNCLOS na signatory ang Tsina
Hindi lang aniya ito makakaapekto sa mga karagatan ng Pilipinas kundi ng buong mundo.
Ayon naman kay Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela, Spokesperson for Task Force for the West Philippine Sea, maituturing na Crime against humanity ang pagsira ng China sa mga yamang-dagat ng Pilipinas.
Moira Encina