BI escort service para sa mga blacklisted sa bansa, umaabot sa P150,000 – Remulla
Batid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga problema sa Bureau of Immigration (BI).
Ito ay sa harap ng sinasabing tila pagbabalik na naman ng Pastillas modus o mga escort service sa kawanihan.
Ibinunyag ni Justice Secretary Crispin Remulla na sa natanggap nilang ulat ay nagkakahalaga ng P150, 000 ang BI escort service o bayad para makapasok at makaalis ang mga blacklisted na indibiduwal sa bansa.
“May info kami na sa blacklisted persons na nakaka-travel out or in P150,000 na ang presyo ng isang escort service sa blacklisted persons.” pahayag ni SOJ Remulla
Tuluy-tuloy naman aniya ang pakikipag-pulong niya sa mga opisyal ng BI kaugnay sa mga sindikato sa loob ng kawanihan.
Naniniwala ang kalihim na ang mga sangkot na BI personnel ngayon ay ang mga dati na ring dawit sa kurapsyon dati.
“We have to look at the structure again on how it happens so ‘yun ang pinag-aaralan namin ulit at we will be pursuing a movement of people again within immigration and they organized many of the things there.” dagdag pa ng Kalihim
Sinabi ni Remulla na may kumpiyansa pa rin naman siya kay BI Commissioner Norman Tansingco dahil marami sa mga kontrobersya ngayon ay matagal nang problema sa ahensya.
“Hindi naman ito overnight problem. This has been a problem for the longest time. I think that it was more scandalously alarming during the past three years before we came here. Wala eh corruption will rear its ugly head because of the temptation of money going to people’s heads and the President is aware of this problem. He has intimated to me many of the things he want to happen.” Wika pa aniya ng Kalihim.
Moira Encina