BI may babala sa mga foreign vlogger na lumalabag sa mga kondisyon ng kanilang temporary visa
Binalaan ng Bureau of Immigration ang mga dayuhang vloggers na nasa bansa na huwag sasali sa mga aktibidad na maaaring lumabag sa kondisyon ng kanilang pananatili dito sa Pilipinas.
Ginawa ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang pahayag matapos mapansin na maraming foreign vloggers ang nagpopost ng video dito sa bansa.
Paliwanag ng opisyal, hindi naman bawal ang pagba-vlog pero ang pag-eendorso o pagbebenta ng mga produkto sa kanilang vlog ay bawal kung ang hawak ng isang dayuhan ay temporary visitors’ visa lamang.
Ang mapapatunayang guilty rito ay maaaring maharap sa deportation at ma-blacklist sa Pilipinas.
Matatandaang noong Pebrero, isang social media influencer ang kinasuhan ng BI dahil sa pagbebenta ng mga produkto gaya ng notebooks, bags, at toiletries online ng walang kaukulang permit o visa.
Sa India, napaulat rin aniya na hindi pinapasok ang New Zealand Youtuber na si Karl Rock matapos ito ma-blacklist dahil sa paglabag sa mga kondisyon sa kanyang visa at magsagawa ng business activities gamit ang tourist visa.
Madz Moratillo