Biden at Xi, inaasahang magsasagawa ng virtual meeting sa Lunes
Inaasahang magsasagawa ng virtual summit si US President Joe Biden at Chinese counterpart nitong si Xi Jinping.
Ayon sa mga hindi pinangalanang sources, ang tentative day para sa meeting ay sa darating na Lunes.
Nagkaroon ng lamat ang relasyon ng dalawang mayamang bansa nitong mga nakalipas na linggo, partikular dahil sa Taiwan na inaangkin ng China.
Paulit-ulit nang ipinahiwatig ng US ang pagsuporta nito sa Taiwan sa harap ng pangha-harass ng China, subalit nakagugulat na nagkasundo ang US at China tungkol sa isyu ng klima sa summit na ginanap sa Glasgow.
Sinabi ni US Secretary of State Antony Blinken, na ang dalawang pangulo na hindi pa nagkikita ng personal mula nang maupo sa kapangyarihan si Biden noong Enero, ay magsasagawa ng virtual meeting sa lalong madaling panahon.
Umasa si Biden na makaharap si Xi sa kamakailan ay ginanap na G20 summit sa Roma, ngunit hindi na bumiyahe ang chinese leader mula nang magsimula ang pandemya, pero sumang-ayon ito sa isang virtual meeting sa pagtatapos ng taon.
Dalawang ulit na ring nagkausap sa telepono si Biden at Xi mula nang maupo sa White House ang veteran Democrat, at nagkita na rin noong si Biden ay bise presidente pa ni Barack Obama at si Xi ay vice president pa ni Hu Jintao.
Matatandaang kahapon ay nagbabala si Xi na maaaring muling bumalik ang Cold War-era divisions sa Asia-Pacific, sa ginanap na virtual business conference sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation summit na pinangasiwaan ng New Zealand.
Ayon kay Xi . . . “Attempts to draw ideological lines or form small circles of geopolitical grounds are bound to fail. The Asia-Pacific region cannot and should not relapse into the confrontation and division of the Cold War era.” (AFP)